Ang True Love ni Papel

Jul 4, 15 • PapelNo CommentsRead More »

 

 

Nangyari ang kuwentong ito sa isang madilim na eskinita sa Quiapo kung saan naglipana ang mga kawatan, holdaper, at sawi sa pag-ibig…

 

Minsan pakiramdam ko  ako si Superman; nakakagala, nakakalipad, at nakakapasyal sa kung saan-saan. Masaya sana kaso marami rin akong nakikitang malulungkot na pangyayari sa paligid ko. Marami akong nakikita at nakakasalamuhang iba’t-ibang nilalang na may kanya-kanyang pasan na problema.

 

“PAPEL! PAPEL!”

 

Napalingon si Papel sa boses kong pang The Voice of the Philippines sa lakas… at ganda… Matagal-tagal na rin mula nung huli kaming nagkita. Wala pa rin pinagbago si Papel. Pangit pa rin siya kung kaya’t dinadaan niya na lang sa wagas na ngiti ang kanyang pagbati.

 

“HOY TABA! Kamusta na?!” ang nakakainsulto niyang tugon. Sa sobrang dami na naming pinagdaanan ni Papel, hindi na ako naooffend sa mga banat niyang taba, babs, balyena, at kung anu-ano pang maisip niya na naglalarawan sa sukat ng katawan ko. Iniisip ko na lang palagi na patas lang rin naman kami, pangit siya, mataba ako. Parehas kaming may depekto… Kung meron man kaming pinagkaiba at kung meron man akong kinaiinisan, siguro yun yung masklap na katotohanang si Papel ay hindi nauubusan ng lovelife habang ako naman, hindi nauubusan ng true friends.

 

“At dito pa talaga kita makikita Papel? Sino kasama mo? May bago na ba?”

 

“Wala Tabs. Wala na.”

 

“Anong wala na? Kelan ka pa naubusan? Sa pagka-effective ng panggagayuma mo, imposibleng mawalan ka ng jowa no!”

 

“Wala na nga. Hoy teka, magcoffee nga tayo, may gagawin ka ba? Tagal na nating di nagchikahan!”

 

“Hindi! I mean wala, wala naman akong gagawin. Tara kape tayo.”

 

Nilakbay namin ni Papel ang kahabaan ng EDSA gamit ang aming mga paa… Ayy… ng mall pala, nasa mall pala kami… Nilakbay namin ni Papel ang napakahabang alley papunta sa coffee shop kung saan lagi kaming nakatambay almost 3 years ago. Walang pinagbago ang layout ng coffee shop. Ganun na ganun pa rin siya mula nung huli naming pagtambay dun. Cozy, dim ang lights, tahimik, at walang masyadong tao. Ang sofa na lagi naming inuupuan ay nandun pa rin sa sulok malapit sa pinto ng CR at ang magazine stand na katabi ng CR ay ganun pa rin ang laman…

 

“Naalala mo ba yung mga nag MLM dito dati na ang iingay at kung mag-order isang kape lang pang buong araw na?”

 

“Sira ulo ka talaga! Huwag ka maingay tabs, malay mo andito pa rin sila!”

 

Dati rati ang lakas naming mangmata ng mga networkers ni Papel. Ginagawa naming comedy ang paraan nila ng pagpresent sa mga potential recruit nila ng business plan. Akala mo kung sinong magagaling na naiintindihan talaga ang negosyo, hindi man lang nila naisip na sila’y maliit na bahagi lamang ng napakalawak na money making machine ng kumpanyang kanilang nirerepresenta. Bago pa man kami magsimulang magkuwentuhan, tinanong ko si Papel kung anog gusto niyang drinks para ako na ang mag-order. Libre ko ‘to ngayon dahil namiss ko si Papel at dahil na rin kakakuha ko lang ng weekly income ko mula sa aking business. Kung gusto mong mag-invest at kumita ng 24, 000 in 1 week, tara coffee tayo, kontakin mo lang ako sa numerong: 09998272342. JOKE! 

 

“Same same lang sa akin Tabs. Extra sago ha!”

 

“Papel, anong sago? Walang sago dito, coffee shop ‘to! COFFEE SHOP!”

 

Hindi ko alam kung iniinis lang ako ni Papel o talagang nanadya siya pero dahil alam ko naman kung ano ang paborito niyang orderin, nagtawanan na lang kami request niyang extra sago. Inorder ko sa counter ang paborito naming inumin, nagulat ako nung bigla na lang akong tinanong ng barista na, “for Papel and Tabs po sir? Long time no see po ah.” Hanggan ngayon, siya pa rin ang tagakuha ng order. Kasali na rin siya sa kuwento dahil loyal siya sa coffee shop location namin. Manager na siya ngayon after 3 long years of making coffee at sariwang-sariwa pa rin sa alaala niya ang majubis kong mukha na ironically mahilig sa no whip drink at non-fat milk. Natuwa ako dahil nakilala niya pa rin ako pero hindi ako natuwa dahil Papel and Tabs pa rin ang pagkakakilala niya sa amin. Hindi pa rin siya nakamove-on!

 

FOR TABS LANG. PAREHAS TABS ISULAT MO. AKO MAGBABABAYAD NIYAN,” tugon ko sa tanong niya. Wala na siyang iba pang sinabi at nagtungo na upang gawin ang aming inumin. Mabait ang barista, don’t get me wrong, mali lang talaga ang banat niya nung mga panahong yun kaya di ko na nasuklian ng mabuti ang pagbati niya sa akin.

 

Matapos magawa ang aming inumin, bumalik na ako sa aming upuan habang dala-dala ito gamit ang dalawa kong kamay. Ingat na ingat ako na hindi ito matapon dahil masasayang ang 500 pesos na aking pinambayad. Naabutan kong tulala si Papel at nakatingin sa malayo na para bang ang lalim lalim ng kanyang iniisip. Binati ko siya kaagad sabay ng pag-abot ko sakanya ng kanyang inumin. Sa muling pagkakataon, nagkasama ulit kami at napagmasdan ko ulit ang kanyang mukha… ANG PANGIT! Hindi ko maitatangging ang pangit, pero sadya talagang mapasahanggang ngayon, nakakatunaw pa rin ang kanyang mga titig.

 

“So ano na ang balita Papel?”

 

“Naku Tabs, ang dami ng nangyari. Hindi ko alam saan ako magsisimula.”

 

“Magsimula tayo sa magaganda. So in short, huwag tungkol sa’yo dahil hindi ka maganda!”

 

“Good idea! Ang harsh mo lang, pero well, manager na ako ngayon sa isang BPO. Dati praktis pa tayo ng praktis ng English dahil mag-aapply pa lang ako nun, naalala mo?”

 

Tumungo lang ako kay Papel habang suot ang aking mga ngiti. Ayaw ko siyang pigilang magkuwento sa mga panahong yun. Gusto kong magtuloy-tuloy lang ang kanyang pagsasalita hanggang sa makarating kami sa dapat naming pag-usapan. Alam na namin kung ano yun at alam na namin na dun rin naman papunta, pero dahil sa matagal na kaming hindi nagkita, back to basics muna kami sa aming friendship. Kunwari batian muna na parang walang masamang nangyari at mamaya… oo, mamaya… mamaya na kami magdraramahan.

 

“Grabe yun Tabs no, kabadong-kabado ako! Ikaw nga nagturo sa akin nun ng accent. Tawa tayo ng tawa kasi madalas nagtutunog bisaya ako kapipilit mag English!”

 

“BISAYA ka kasi talaga nun! Tawag mo sa ball, bul! Parang bulbul!”

 

“Hoy hindi na ngayon! Bol na ang pagpronounce ko nun! Lakas ng tawa mo nun kala ko mamamatay ka na!”

 

“Mamamatay? Baka yun kasi inimagine mo?”

 

Biglang nanahimik kami pareho at inilag ang tingin sa isa’t-isa. Medyo tumigil ang mundo ko sa nabanggit ko. Tang ina mali! Dapat nanahimik na lang ako… Bumagal ng bumagal ang paggalaw ng mga tao sa paligid namin at unti-unting nalunod sa katahimikan ang lahat… Alam ko na kahit pilit kong iiwas ang usapan ay huli na ang lahat…

 

“Akala ko ba sa magaganda muna tayo magsisimula Tabs?”

 

Hindi ako makatingin ng derecho kay Papel kung kaya’t ipinagpatuloy ko na lamang ang katahimikan. Nakayuko na ako sa mga panahong yun at pilit na sinisipsip ang nagstuck na buo-buong butil ng giniling na kape sa straw. Pinilit ko ng pinilit sipsipin ito hanggang sa dumalusdos ito pataas sa straw derecho sa aking lalamunan. Nabulunan ako, namula, at umubo ng umubo hanggang sa lumutang na rin ang angkin kong kapangitan. Kunot ang mukha, nakalawit ang dila, at nangingibabaw ang double chin sa bawat pagpilit kong pag-ubo palabas ng nakabara na butil ng kape sa lalamunan. Habang nangyayari ang lahat ng yun, si Papel ay tawa na ng tawa sa kanyang kinauupuan. Hindi na rin siya makahinga sa kakatawa habang pinagmamasdan niya akong hirap na hirap na sa paghabol ng aking hininga.

 

“PUTANG INANG KAPE YUN!”

 

“Hoy Tabs, ok ka lang?”

 

“Oo ok lang ok lang. Sorry. Napalakas ang pagsipsip ko.”

 

“Malakas ka naman talaga sumipsip eh!”

 

Bigla ulit kami hindi nag-imikan… Ang awkward ng mga banatan, pero dahil ito ang hilig ng mga kabataan ngayon, nakiuso na rin kami ni Papel. Pagkatapos ng tatlong taon, nito na lang ulit kami napagbigyan ng pagkakataon upang mag-usap at magparinigan na parang mga hayskul students na tambay sa inuman.

 

“Papel, sino ba talaga ang naging true love mo?”

 

Biglang kumulimlim ang panahon at lumakas ang huni ng mga ibon. Parang end of the world ang peg. Nagsimula ng bumuhos ang malakas na ulan na para bang isa itong eksena sa isang primetime teleserye kapag iiyak na ang main character.

Unti-unting napuno ang coffee shop dahil sa biglang pagbuhos. Marami ang nakisilong at naki CR at marami rin namang dumating sa scheduled appointment nila sa mga network marketers…

 

 

 

to be continued…

Tags: , , , ,